Ads by Google

SEARCH THIS BLOG

FOLLOW BY EMAIL

Pages

Friday, July 27, 2012

Babala: Para sa mga Sumasakay ng Bus

Ito po ay isang babala (hindi pananakot) para sa mga nasa Metro Manila na madalas na sumasakay ng bus.  Kung may cellphone po kayong medyo mamahalin at mahilig na gamitin ‘to habang nasa loob ng bus - nakikinig man ng music o nagti-text or nag-i-internet, mas lalong para sa inyo po ‘to.  Konting pag-iingat lang po.

Dalawang beses na kong may nakasakay sa bus na nawalan ng cellphone.  ‘Yong unang nakita ko (pero hindi ko naman alam na dinudukot na pala ang cellphone niya) ay nasa bandang Fatima ako, pauwi na.

Free image courtesy of FreeDigitalPhotos.net

Estudyante ‘to at pumara dahil papasok na nga.  Pagtayo niya, noong malapit na siya sa pinto, may mga ibang mga lalaking pasahero rin ang tumayo kasabay niya, sabay tayo rin sa pinto.  Napansin kong parang nagbara sa pwesto nila kasi hindi sila lumalabas.  Napapagitnaan ‘yong estudyante ng dalawa tapos merong nauna sa harap na ewan ko kung anong hinihintay kasi ayaw namang bumaba.  Sumilip ako at tinignan ko sila (nasa bandang malayong likuran ang upuan ko, ‘yong estudyante nasa bandang harapan naman – mga 2nd row siguro sa hanay ng driver).  ‘Yong isa yumuko, tapos parang may inaabot sa sahig na nung sinundan ko ng tingin ang direksyon e wala naman akong nakitang pupulutin sana niya.  Iyong isang lalaki naman sinisiksik ang pobreng mag-aaral na naka-uniporme pa nga.  Umaarte si kuyang nang-iipit na parang nasiksik din siya.  Nasabi ko nga sa sarili ko, kasi para silang mga tanga doon, “anong problema nitong mga ‘to, bakit ang babagal magsipagbaba?”  

Nang makababa na rin sa wakas ang estudyante, kinapkap niya ang cellphone niya sa bulsa siguro kasi magti-text o kung ano, nalaman niyang wala na ang cellphone niya!  Balik agad siya sa loob ng bus kung saan nakasalubong niya pa sa pinto ‘yong mga lalaki (pero may nauna ng dalawa na bumaba).  Tinanong niya ang konduktor kung nakita nito ang cellphone niya.  Napagkamalan niya pang ang konduktor ang kumuha.  Pero siyempre wala sa kundoktor.  Tinanong niya rin ang mga lalaking naiwan kasi natandaan niya na ‘yong isa ay katabi niya pala (at siyang yumuko para may pulutin) habang ang isa naman ay ang nanggitgit sa kanya sa may pintuan.  Nasabi pa nga ng estudyante na naramdaman niyang may humawak sa bulsa niya noong pababa na siya, e sila lang naman ang kasabay niya sa pagbaba. Parang nagalit ang mga lalaki.  May mga pagbabanta na sinabi sa pobreng bata.  Kaya pumasok sa university ang bata na laglag-balikat.  Pagbaba ng mga natirang mga lalaki, tumabi sila sa naunang dalawang bumaba at nakipag-usap tungkol sa hinala sa kanila ng nadukutan.  Doon ko napagtanto na magkakasama pala sila.  Lumipat pa ako noon ng upuan para maging komportable sana sabay masid sa mga bumaba.


May isa pang insidenteng kamukha nito ang naranasan ng isa ring pasaherong kasakay ko minsang papasok na ko sa trabaho. Halos kahawig ang strategy.  Sa may Quezon Avenue naman nangyari ito at ang biktima ay nasa 18 to 22 years old. Ang nambibiktima naman ay nasa mga edad 18 – 25 years old. As usual, iipitin ang aakyat o bababa tapos maya-maya lang ay may maririnig ka ng pasahero na magsasabing "nawawala ang cellphone ko!" Itong partikular na pasahero na ‘to, bumalik pa ulit sa bus para hanapin sa katabi niya ang cellphone niya kung nakita ba nito ‘yon.  Siyempre, deny to the max ang katabi.  Makalipas ng ilang segundo bumaba na rin ‘yong katabing ‘yon ng nadukutan.  At apat o lima silang magkakasama base sa kwentuhan nila sa bus pagkababa ng biktima at pagsama-sama nila pagbaba mula sa bus. Bago pa nga silang tuluyang bumaba, sinabayan nila ang mga umakyat kaya nagalit ang driver.  At tulad ng nakita ko sa Fatima, inipit din nila ang umakyat, habang ‘yong isa (katabi ng nadukutan) ay itinaas pa ang dalawang kamay habang nakikipagsiksikan sa pagbaba. 

Free image courtesy of FreeDigitalPhotos.net
Hindi ko masabing parehong mga mandurukot ‘to pero ang strategy ay pareho kaya nga nakuha ang pansin ko. Para kasing déjà vu noong mangyari ‘yon.  Sabi ko sa sarili ko, “teka, nangyari na ba ‘to”. Doon ko naalala ‘yong unang insidente sa Fatima sa McArthur Hi-way.


Kaya po ingat lang po.  Kung pwede, huwag niyong basta ilalabas ang cellphone niyo. Titignan niyo ang katabi niyo pag-upo niyo. At huwag po kayong matutulog sa biyahe hangga’t maaari. Sa pagsakay o sa pagbaba, pairalin ang disiplina – huwag makipag-unahan o makipagsiksikan dahil ‘yan lang ang hinihintay ng mga mandurukot para hindi sila mapansin. 


And lastly, pansin ko lang, lalaki po ang mga naging biktima ng ganitong strategy ng pandurukot. Ang mga mandurukot naman ay mga mukhang lehitimong pasahero.



3 comments:

  1. uso na talaga ang dukutan ng mga telepono sa bus.. may kasama naman akong lalake noon na nakahuli sa mga mandurukot habang nasa proseso pa ng pagdukot ng telepono mula sa bulsa niya.. ayon, bugbugan.. kaya ingat na lang talaga, wag na lang mag-attempt na maglabas ng telepono (lalo na kung mamahalin) sa mga pampublikong sasakyan..

    ReplyDelete
  2. Mabuti nahuli 'yong nandukot 'no? Saklap noon kung nakuha talaga cp niya. Sweldo rin ulit 'yon pambili ng bago.

    Ang pinagtataka ko lang, kung sila nga ang mga mandurukot, sa hitsura nilang mukhang "maayos" at maporma, bakit pa sila nandudukot? Ang laki ng mga katawan hindi magsipagbatak ng buto...

    ReplyDelete
    Replies
    1. mas maliit daw kasi kikitain nila kung mag-ooffice sila, eh kung magnanakaw sila, half day pa lang quota na. Sa panahon ngayon di mo na alam kung sinong magnanakaw kasi nga maayos na rin silang magdamit.

      Delete

Thank you for reading and for your comment! I appreciate it. Be blessed!